Inalis na ng Philippine Health Insurance Corporation ang 45 araw kada taon na benefit limit para sa ilang mga karamdaman o kondisyon.
Ayon sa PhilHealth, tatanggalan ng 45-day benefit limit ang mga medical conditions at surgical procedures na kasama sa PhilHealth all case rates, gayundin ang Z Benefits at sustainable related goals-related benefits.
Kaugnay nito, hindi naman kabilang sa nasabing bagong patakaran ang benepisyo para sa hemodialysis patients.
Binigyang-diin ni PhilHealth acting President at Chief Executive Officer Edwin Mercado, na layon ng bagong kautusan na patuloy na mabigyan ng serbisyong pangkalusugan nang walang pag-aalala sa gastusin ang mga Pilipinong nangangailangan ng mahaba-habang pagpapa-ospital.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni PhilHealth Spokesman Dr. Israel Pargas ang mga ospital na sumunod sa bagong patakaran dahil mahigpit anila itong babantayan.
Hinimok din ni Dr. Pargas ang mga pagamutan na tiyaking sumusunod sila sa itinatakdang treatment practice guidelines.—sa panulat ni John Riz Calata