Tumakas ng Iwahig Prison and Penal Farm ang 46 na mga preso na dating nang nakalaya sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law pero boluntaryo ring sumuko nitong Setyembre.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Major Alberto Tapiru, nagawang buksan ng mga tumakas na preso ang kabilang gate ng recreational area ng Iwahig Prison na siyang ginagamit bilang holding area ng mga naging benipisiyaryo ng GCTA.
Isinabay aniya ng mga ito ang pagtakas sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan nitong Sabado, Nobyembre 9.
Sinabi ni Tapiru, walo sa mga tumakas na preso ang bumalik na rin ng kulungan kahapon matapos makausap ng mga opisyal ng BuCor at pulisya habang patuloy namang pinaghahanap ang 38 iba pa.
Samantala, naniniwala si Iwahig Prison and Penal Farm spokesperson Levy Evangelista na posibleng nainip ang mga nabanggit na GCTA-surrenderees sa paghihintay sa proseso ng Department of Justice (DOJ) para tuluyan na silang makalaya.