Inaresto sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Cyber Crime Group (PNP-ACG) ang 45 Pilipino at isang Chinese national sa Pasig City.
Ayon sa mga otoridad, nagkasa sila ng operasyon dahil sa dumaraming reklamong kanilang natatanggap online.
Isang Online lending app kasi na may pangalang Cashtree Lending Corp. ang umanoy nangha-harass at nagbabanta sa mga pinautang na hindi nakapagbayad.
Base sa imbestigasyong nakuha ng mga tauhan ng PNP-ACG, manghihingi ng permiso ang naturang app para makapag-access ng impormasyon katulad na lamang ng contact numbers, emails at iba pang mahahalagang impormasyon bago magpautang o bago maapprove ang loan ng mabibiktima.
Sa pahayag ni P/LT. Michelle Sabino, nakakatanggap ng ibat-ibang klase ng threats ang mga naglo-loan kung saan, karaniwang nabibiktima dito ang mga walang trabaho.
Mataas din ang interest na ibinibigay ng nasabing kumpaniya sa mga biktima na napag-alamang walang Certificate of Authority o permit.
Nasa kustodiya na ngayo ng pnp ang mga naarestong suspek kabilang na ang Chinese na kinilalang si Shihai Diao na may-ari ng nabanggit na kumpaniya. —sa panulat ni Angelica Doctolero