Patay ang isang motor-rider matapos mawalan ng preno ang isang trailer truck sa bahagi ng Ortigas Avenue kanto ng E. Rodriguez Avenue, C-5 Road sa Brgy. Ugong, Pasig City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jhames Morga, 29-anyos, isang fitness ambassador, at residente ng Edsa South Triangle, Quezon City.
Ayon sa mga otoridad, pitong sasakyan ang inararo ng nasabing truck na minamaneho ng suspek na kinilalang si Francis Figueroa, 42-anyos at residente ng Navotas City.
Base sa imbestigasyon, magde-deliver sana ng mga kargang perishable goods o mga prutas at gulay ang naturang truck nang bigla itong mawalan ng preno at kontrol ang manibela.
Ditto na naararo ng trailer truck ang tatlong Sports Utility Vehicle (SUV), tatlong motorsiklo at isang bus na nasa unahan nito at kasalukuyang nakatigil dahil sa trapik.
Nakapiit na sa Pasig Traffic Division ang suspek at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple damage to property.