Sang-ayon ang commuters group sa hirit na taas-pasahe ng mga provincial bus sa gitna ng mataas na presyo ng krudo.
Ayon kay Lawyers for Commuters Safety and Protection President Atty. Ariel Inton, bukas ang kanilang grupo sa 30 centavos hanggang 40 centavos na kada kilometrong dagdag-pasahe ng mga provincial bus.
Sinabi ni Inton, na handa silang pag-usapan ang naturang isyu dahil taong 2018 pa ang huling pag-apruba sa taas-pasahe ng mga bus kung saan, 40 pesos hanggang 45 pesos pa lamang ang kada litro ng petrolyo noon.
Iginiit ni Inton na hindi lamang commuter ang naaapektuhan sa pabago-bagong presyo ng langis kundi maging ang ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ni Inton, nasa 30% na lang ang bilang ng mga bumibiyaheng bus at hindi umano ito sapat para sa dumaraming bilang ng mga pasahero.
Muli namang umapela ang commuters group na suspendehin ang excise tax sa harap ng sunod-sunod na pagsirit sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa ngayon, planong maghain ng petisyon ang naturang grupo hinggil sa hirit na taas-pasahe.