Inihayag ng isang grupo na dapat mayroong ‘malasakit’ sa mga Pilipino ang susunod na kalihim ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Filipino Nurses United (FNU) President Maristel Abenojar, ito ay dahil hindi lamang dapat na may technical at specialization skills sa public health and administration ang next DOH Chief.
Sinabi pa ni Abenojar na nais din nila ng mabilis kumilos kung kinakailangan at palaging nakikipag-ugnayan sa kaniyang mga nasasakupan lalo na sa mga health workers na kaagapay ng DOH sa pagpapatupad ng mga programa.
Umaasa din ang grupo na matutugunan ng administrasyong Marcos ang kakulangan ng mga nurse sa public health facilities sa Pilipinas dahil sa pag-alis ng mga ito sa trabaho para sa oportunidad sa ibang bansa.
Nabatid na wala pang itinatalaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bagong kalihim ng naturang kagawaran.