DOH, pinayuhan ang mga naapektuhan ng magnitude 7 na lindol na patuloy na tumalima sa health protocols
Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7 earthquake na patuloy na tumalima sa mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 at ng iba pang nakahahawang sakit.
Base sa inilabas ng kalatas ng kagawaran ng kalusugan, na nauunawaan nila na sinisikap ng bawat lokal na pamahalaan at mga apektadong pamilya na makabangon mula sa matinding sakuna na tumama sa kanila pero dapat ding isaalang-alang ang ibayong pag-iingat kontra virus.
Hanggat maari, pinapayuhan ng DOH ang publiko na laging sumunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng facemask, wastong hygiene and sanitation, at tiyakin ang maayos na bentilasyon upang masiguro na hindi magkakaroon ng hawaan sa mga evacuation center.
Sinabi pa ng DOH na magkatuwang naman ang Center for Health Development (CHD) at ang Local Government Units sa pagbabantay at pagmonitor sa mga area na tinamaan ng malakas na pagyanig.
Sa inilabas na July 30 situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa kabuuang 228,238 individuals ang naapektuhan ng magnitude 7 na lindol.