Nakapagtala na ang pamahalaan ng unang kaso ng monkeypox virus sa hanay ng mga Pilipinong nasa ibayong-dagat.
Ito ang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs spokesperson Teresita Daza, kasunod ng unang kaso rin ng monkeypox na naitala sa Pilipinas.
Ayon kay Daza, isang 31- anyos na lalaking Pilipino na nakabase sa Singapore ang nagpositibo sa sakit.
Ito ang ika-siyam na indibidwal sa Singapore na nagpositibo sa monkeypox virus.
Noong July 25 nagpositibo ang lalaki sa sakit matapos makaramdam ng lagnat noong July 21.
Nagkaroon ito ng rashes sa iba’t ibang bahagi ng katawan, dahilan para agad itong humingi ng atensyong medikal sa Singapore General Hospital at agad ding na-admit.
Sa ngayon, nasa stable ng kalagayan ang lalaki na lumabas na hindi naman nahawa sa ibang kaso ng monkeypox sa Singapore.
Nagpapatuloy naman ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng unang kaso.