Nakalaya na ang apatnaraan at pitumpu’t apat (474) na Filipino call center agents na naaresto sa Clark Freeport Zone sa Pampanga matapos na masangkot sa multi-million dollar online trading scam.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Chief Oscar Albayalde, iimbestigahan pa ng PNP kung aktibong sangkot sa iligal na operasyon ang mga Pinoy call center workers, o kung nagamit lamang sila sa sindikato ng mga kasama nilang naaresto na walong Israel national.
Nananatili naman sa kulungan ang mga naturang dayuhan dahil walang piyansa na ipinataw sa mga ito matapos na lumabag sa anti-cybercrime law at syndicated estafa.
Nabatid na nag-set up ang mga dayuhan ng isang call center sa Pampanga, at nagpanggap na isang London investment company na nang-engganyo ng mga dayuhan na mag-invest sa kanila.
—-