Dapat pataasin muna ang kaligtasan o immunity ng mga Pilipino laban sa COVID-19 bago alisin ang mga restriksyon sa bansa.
Ito ang inihayag ni Department of Health o DOH Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng mungkahi ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na tanggalin ang COVID-19 restrictions tulad ng physical distancing, quarantine at testing para sa mga asymptomatic na pasyente.
Aniya, unti-unting susundin ng bansa ang modelo ng Estados Unidos sa pagluluwag ng mga restriksyon sa COVID-19, pero kailangan munang mapataas ang immunity ng mga nasabing indibidwal.
Giit pa ni Vergeire na ang importante sa lahat ay mayroong layunin ang bansa na protektahan ang healthcare system at maiwasan ang pagdami ng severe at critical cases gayundin ang bilang ng mga nasasawi.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 72 million Filipinos na ang fully vaccinated kontra COVID-19 kung saan 17 million dito ang nakatanggap na ng booster shots.