Nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 57 libong sako ng imported refined sugar sa isang warehouse sa Quezon City.
Ipinabatid ng BOC na nasa 50 kilo na may halagang limang libong piso ang kada sako ng asukal na nakita ng mga otoridad sa La Perla Sugar Export Corporation noong Martes.
Agad namang nagsagawa ng routine inventory at inspection ang mga BOC examiners sa mga nasabat na asukal.
Ayon sa ahensya, ang mga clearance mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) ay validated ng inspection team na kinabibilangan ng enforcement and security service-quick response team ng Manila International Container Port (MICP).
Pahayag ni District Collector Romeo Allan Rosales, nananatili namang alisto ang mga daungan sa pagsubaybay sa pagproseso at pagpapalabas ng mga inaangkat na asukal sa bansa.
Samantala, una nang sinabi ng palasyo na ang BOC at iba pang ahensya ay patuloy na nag-iinspeksyon sa mga sugar warehouse kasabay ng intensified campaign ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa ilegal na importasyon ng agricultural products. – sa panulat ni Hannah Oledan