Aabot sa 47 libong litro ng langis ang ipamamahagi ng Bureau of Customs (BOC) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Nabatid na ang mga stock ng gasolina ay nasamsam sa panahon ng pagpapatupad ng mga aktibidad ng BOC sa ilalim ng fuel marking program.
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III ang pag-turn over ng 41,356.8 liters ng gasolina para sa PCG at 6,000 liters naman para sa military.
Batay sa section 1141 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), pinahihintulutang ipamigay sa mga ahensya ng gobyerno ang mga kalakal na napapailalim sa forfeiture proceedings sa oras na aprubahan ito ng Finance Secretary.
Bilang kasunduan, ang AFP ay magbibigay ng kinakailangang “manpower” o tauhan upang tulungan ang BOC sa kanilang mga aktibidad sa pagpapatupad ng batas.
Samantala, sa ilalim naman ng section 7 ng DOF-BOC-Bureau of Internal Revenue Joint Circular no. 001.2021, ang mga produktong petrolyo na walang marka, may mga diluted na marker, o may mga pekeng marker ng gasolina ay isasailalim sa mga tungkulin at buwis, kasama ang naaangkop na mga multa at parusa.