Isinailalim sa 14-day lockdown ang 48 tirahan mula sa apat na barangay sa Dumaguete, Negros Oriental.
Itoy matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isang abugado doon na kagagaling lamang ng Metro Manila.
Ayon sa mga otoridad, nagtatrabaho bilang provincial legal officer ang pasyente na nagtungo ng Quezon City noong October 1, kasama ang 8 iba pa.
Bumalik umano ng lalawigan ang nagpositibong abugado noong October 3, ngunit hindi sumailalim sa quarantine.
Agad din umano itong nagbalik sa kanyang trabaho at bumisita sa hall of justice at sa provincial jail.
Base naman sa imbestigasyon ni Barangay Bajumpandan Kagawad Juancho Gallarde, nakipag-inuman pa umano sa isang birthday party ang abugado, at nagtungo din umano ito sa beach noong nakalipas na linggo.
Matapos nito, nakaranas na ng trangkaso ang pasyente na sintomas ng COVID-19.
Nabatid na maging ang dalawang nakasama nito sa pagpunta ng quezon City ay nagpositibo din sa virus kabilang na ang 7 staff ng naturang lawyer.