Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang kahandaan sa pagarangkada ng panahon ng kampaniya para sa lokal na Halalan bukas, Marso a-25.
Ayon kay NCRPO Director, P/MGen. Felipe Natividad, nasa 4 na libong Pulis ang kanilang ipakakalat para tiyaking magiging maayos at mapayapa ang kampaniyahan.
Mayruon din aniya silang reserved force na maaaring ipakalat sakaling hingin ng pagkakataon para maging dagdag pwersa.
Aminado si Natividad na malaking hamon sa kanila ang panahong ito ng kampaniya dahil bukod sa kailangan nila itong panatilihing maayos at mapayapa, mahigpit din ang atas ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na ipatupad pa rin ang minimum health protocols kontra COVID-19.
Sa ilalim ng COMELEC guidlines, bawal pa rin para sa mga kandidato ang makipagkamay, makipagselfie ng malapitan, at magkasa ng siksikang campaign rally sa kabila na rin ng mas maluwag na Alert Level 1 sa Metro Manila.
Maliban sa peace and order ngayong panahon ng Halalan, tiniyak din ni Natividad na nakatutok din ang NCRPO sa kanilang pinaigting na laban kontra Iligal na droga at krimen. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)