Pinarerepaso ng isang senador ang pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa mga mahihirap na Pilipino.
Sa Senate Resolution 218 na inihain ni Senator Risa Hontiveros, ipinapa-convene nito ang Congressional Oversight Committee sa 4Ps.
Tinukoy din sa resolusyon ang ulat ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na may 850,000 na pamilya na tatanggalin sa listahan ng benepisyaryo ng 4Ps at ang sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na may 187,000 na natanggal na.
Pero giit ni Hontiveros, may mga panawagan na lawakan pa ang coverage ng 4Ps dahil una, may guma-graduate dito na nananatiling mahirap at pangalawa, delikado na muling maging mahirap.
Kasama naman sa panawagan na pag-aralan at dagdagan ang halaga ng ibinibigay sa beneficiaries ng 4Ps na nasa 1,400 pesos at higit pa kada buwan depende sa bilang ng anak na nag-aaral. – mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)