Hawak ng mga awtoridad ang ika-apat na suspek sa tangkang pambobomba sa US Embassy sa Maynila.
Nadakip ng mga pulis ang suspek na si Elmer Romero sa Subic, Zambales noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief, Director Oscar Albayalde, si Romero mismo ang nagturo sa mga pulis kung saan nito itinago ang ikalawang bomba na pasasabugin din sana sa embahada noong November 28.
Narekober aniya ang improvised explosive device na gawa sa 105 milimeter mortar round sa Doña Juanita Subdivision sa Barangay Sta. Ana, Bulakan, Bulacan.
Naniniwala ang mga pulis na bahagi lamang ang narekober na ikalawang IED sa hindi pa mabatid na bilang ng bombang pinaghahanap matapos ang pagkakadiskubre sa 81 milimeter mortar round malapit sa embahada.
By Drew Nacino