Ipinagmalaki ng Armed Forces of the Philippines – Western Mindanao Command (AFP-WESMINCOM) na 21 miyembro ng bandidong Abu Sayyaf ang piniling sumuko na sa mga awtoridad mula noong Enero ng taong ito.
Batay ito sa datos ng Joint Task Force Basilan makaraang madagdagan ito ng 5 na sumuko kahapon sa Lamitan City sa lalawigan ng Basilan.
Kinilala ni Army’s 68th Infantry Battalion Acting Commander Lt/Col. Nepoleon Pabon Jr. ang mga sumuko sa mga alyas na Nori, Ansar, Dam, Miyo at Sharim na pawang mga residente sa naturang bayan.
Ayon naman kay WESMINCOM Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr, kasamang isinuko ng mga nagbalik-loob na bandido ang kanilang mga armas kabilang na ang 4 na M1 Garand rifle, 1 KG9 semi-automatic pistol kasama ang mga bala nito.
Sa panig naman ni Joint Task Force Basilan Commander B/Gen. Domingo Gobway, tutulungan nila sa pagbabalik loob ang mga sumukong bandido katuwang ang mga opisyal ng mga Lokal na Pamahalaan. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)