Handang tumulong sa Pilipinas ang lima pang ambassador sa pagbili ng langis sa ibang bansa.
Kasunod ito ng kanilang pagbisita kay president elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para batiin sa kaniyang pagkapanalo bilang bagong pangulo ng Pilipinas.
Bukod pa dito, nais din nilang mag-alok ng oportunidad sa mas maraming Pilipino na gustong makapagtrabaho sa ibang bansa.
Nabatid na posibleng umabot sa 50,000 trabaho na may mataas na sweldo ang maaaring malikha at makuha ng mga Pinoy workers kung mahihikayat nito ang ilang may-ari ng renewable energy companies na mamuhunan sa bansa.
Kabilang sa mga nais tumulong sina Norwegian Ambassador to the Philippines Bjorn Jahnsen; Hungarian Ambassador to the Philippines Titanilla Toth; Finnish Ambassador Juha Markus Pyykko; Romanian Ambassador Raduta Dana Matache; at South African Ambassador Bartinah Radebe-Netshitenzhe.
Nais ng limang ambassador na palawakin ang mga investment sa renewable energy sector ng bansa kung saan, magiging malaking pabor para sa Pilipinas kung dadami ang bilang ng power producers sa bansa dahil patuloy pa ring tumataas ang presyo ng krudo sa buong mundo.