Limang araw bago ang pagbabalik-eskwela, ilang paaralan ang nalubog sa baha bunsod ng walang tigil na pag-ulan sa mga Lalawigan ng North Cotabato at Maguindanao.
Kinumpirma ni Ditchel Annagoe, Principal ng Malabuwaya Elementary School sa Bayan ng Kabacan, North Cotabato na nasa P500-K halaga ng computers, printers, aklat at printed modules ang hindi na magagamit matapos malubog sa tubig.
Ganito rin ang sinapit ng ilan pang public schools sa mga Barangay Lumayong at Dilangalen na kapwa malapit sa Pulangi River na umapaw dahil sa malakas na pag-ulan.
Mahigit 100 computer sets naman ang nasira sa Datu Udtog Matalam High School sa Bayan ng Pagalungan, Maguindanao.
Tinaya ng Department of Education sa mahigit P1-M na ang halaga ng mga napinsalang kagamitan sa mga nabanggit na paaralan habang ina-assess pa ang lawak ng pinsala ng baha sa iba pang school facilities.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pagbabalik-klase ng mga mag-aaral sa ilalim ng Cotabato Schools Division simula Agosto a – 22.