Nagbigay ng limang araw na palugit ang COMELEC o Commission on Elections para sa mga nagnanais tumutol sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Mindanao.
Ito’y makaraang magsumite ng position paper ang pambansang pulisya na tumututol sa pagdaraos ng halalan dahil sa nagpapatuloy pa ring bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay COMELEC Spokesman Director James Jimenez, kanilang pagpapasyahan ang nasabing usapin matapos ang limang araw at kung sakaling magbalik normal ang sitwasyon sa Marawi ay maaari nang ituloy ang halalan.
Paliwanag pa ni Jimenez, ginagarantiya ng batas ang pagbibigay kapangyarihan sa COMELEC na magpaliban ng halalan sa mga lokal na pamahalan lalo na iyong mga nakararanas ng karahasan, terorismo at iba pa sa ilalim ng Section 5 ng Omnibus Election Code.