Walang tigil ang ginagawang pagtulong ng tanggapan ni Senador Christopher “Bong” Go sa mas marami pang biktima ng mga kalamidad sa gitna ng COVID-19 pandemic. Simula May 2 hanggang 6, ay namahagi ang team ni Go ng tulong sa kabuuang 9,575 na mga biktima ng bagyong Agaton sa Abuyog, Leyte.
Namigay ang outreach team ni Go ng masks at snacks sa 2,056 typhoon victims noong May 2; 2,094 noong May 3; 2,215 noong May 4; 2,364 noong May 5; at 846 noong May 6. Namahagi rin sila ng mga bagong pares ng sapatos, phablets, at mga bisikleta sa mga piling indibidwal.
Isinagawa ang relief operations sa mga apektadong pamilya sa mga Barangay Balocawehay, Paguite, Can-aporong, Tabigue, Barayong, San Isidro, San Francisco, Pilar, Malaguicay, Bahay, Buenavista, Sta. Fe, Nalibunan, Bunga, Guintagbucan, Buntay, Loyonsawang, Sto. Niño at Victory.
Sa kanyang video message, pinasalamatan ng senador ang mga ahensya ng pamahalaan na nagbigay ng iba pang tulong upang mapabilis ang pagbangon ng mga biktima ng kalamidad.
“Salamat po sa lahat ng ahensya na nandito. Salamat po sa tulong na ipinaabot niyo. Tuluy-tuloy lang tayo sa pagseserbisyo hanggang sila po ay makaahon muli.”
Namahagi ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ng financial assistance habang ang Department of Trade and Industry at Technical Education and Skills Development Authority ay nagsagawa ng assessement sa potential beneficiaries para sa kani-kanilang mga programa.
Tiniyak ni Go sa mga benepisyaryo na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng kapakanan ng mga biktima ng natural at man-made calamities sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1228 para sa pagtatayo ng ligtas at fully-equipped evacuation center sa bawat lungsod, munisipalidad at probinsya.
“Napakaimportante po na tayo ay makapagpatayo ng mga safe, permanent and dedicated evacuation centers na may sapat na emergency packs, tulad ng maayos na tulugan, tubig, gamot at iba pang relief goods. Nakahanda na dapat ito kahit wala pang sakuna,” pagbibigay diin ni Go.
Nanawagan muli si Go para sa mas proactive at holistic disaster response sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.