Arestado ang lima (5) kataong sangkot sa di umano’y investment scam sa Maramag, Bukidnon.
Resulta ito ng sunod-sunod na operasyon ng PNP-CIDG para isilbi ang search warrants laban kay Jovito Ampong ng J.A. Mining Ventures dahil sa paglabag sa securities regulation code.
Gayunman, hindi man natagpuan ng PNP-CIDG si Ampong, lima pang sinasabing operator ng investment scam companies ang kanilang natiyempuhan.
Kinilala ang mga suspek na sina Emeliana Fernandez, Ernie Oliquino, John Lister Pacunayen, Ojelyn Busbos at Merlyn Perez.
Nakuha sa mga suspek ang mahigit sa P600,000 cash, mga blangkong certificate of investment forms, 800 piraso ng acknowledgment receipts na may pangalan ng investors, mga kopya ng special power of attorney, hikvision blackbox para sa CCTV, dalawang (2) flat screen TV para sa CCTV monitor at mga dokumentong ginagamit di umano sa scam operation.