Pinatawan ng anim na buwang suspensiyon ng Office of the Ombudsman ang mga direktor ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na sina Jeremiah Belgica, Eduardo Bringas, Sheryl Sumagui, Jedrek Ng at Melamy Salvadora-Asperin.
Ito’y bunga ng mga kinakaharap nilang kasong administratibo na nag-ugat sa umano’y inisyu nilang resolusyon at order of automatic approval na nagbibigay ng contingent frequencies pabor sa NOW Telecom Company, Inc. noong March 1, 2021 na sinasabing batayan ng kanilang matinding paglabag.
“The evidence on record shows that the guilt of respondents…is strong and the charges against them involve Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service which may warrant removal from the service,” wika sa kautusan ng Ombudsman.
Iginawad sa kanila ang preventive suspension upang maiwasan ang umano’y harrasment sa mga posibleng witness sa usapin.
Giit ng Ombudsman, maaaring umabot sa pagkakatanggal sa serbisyo ang maling pagpabor ng mga direktor ng ARTA sa NOW Telecom.
Naging kontrobersiyal noon ang kompanya sa kasagsagan ng pagpili ng third telco dahil bigo itong maging bidder bunga ng kulang-kulang na requirements.
Nabatid na pilit na ibinibigay ng ARTA sa NOW ang mga frequency na siyang parehong mga frequency na nakalaan na sa napiling third telco na DITO Telecommunity Inc.
Bunga nito, nanganganib ding pagmultahin ng Ombudsman ang mga ARTA officials ng halagang katumbas ng kanilang sweldo sa loob anim na buwan ngayong patapos na rin ang kanilang mga termino.