Aabot sa 5 bagong paaralan ang bubuksan ng pamahalaang lungsod ng Taguig bilang paghahanda sa pag-arangkada ng face-to-face classes.
Ito’y kasunod ng unti-unting pagluluwag ng pamahalaan sa mga ipinatutupad na restriksyon bunsod ng umiiral pa ring pandemiya ng COVID-19 at pagbaba ng Alert Level sa NCR.
Ayon sa pamahalaang lungsod, malapit nang matapos ang konstruksyon ng 2 tig-pito at 3 tig-apat na palapag na mga school building.
Kabilang dito ang Ciriaco P. Tinga Elementary School sa Barangay Hagonoy at ang Ricardo P. Cruz Sr. Elementary School sa Barangay New Lower Bicutan na mayroon pang elevator.
Bukod dito, bubuksan din para sa F2F classes ang Tipas Elementary School Annex Building na matatagpuan sa Brgy. Calzada-Tipas na mayroong covered court; Bagong Tanyag Elementary School Main sa Brgy.Tanyag at Kapt. Jose Cardones Memorial Elementary School sa Brgy. South Signal na kumpleto sa kagamitan tulad ng air-condition, ceiling fan, kuryente, at tubig.