Iginiit ni Mayor Carmen Geraldine Rosal ng Legazpi City, Albay na hindi pa nila ipinatutupad ang preemptive evacuation kung saan, patuloy pa nilang binabantayan ang sitwasyon ng Mayon Volcano.
Ito’y matapos itaas sa Alert Level 3 ang status ng bulkan, dahil sa patuloy na sulfure dioxide emission o ang mga asupre na ibinubuga nito sa lugar.
Sa eksklusibong panayam ng DWIZ, sinabi ni Mayor Rosal, na minomonitor din nila ang limang barangay na naninirahan sa paanan ng Bulkang Mayon.
Ayon sa alkalde, nakahanda na ang apat na evacuation center sa kanilang lugar, sakaling lumikas ang mga nakatira malapit sa 6 kilometer permanent danger zone.
Aminado si Mayor Rosal, na hindi sapat ang kanilang evacuation center, para sa mga residente kung saan, napipilitan na silang gumamit ng mga paaralan para tugunan ang pangangailangan ng mga naaapektuhan ng pag-aalburoto ng Mayon Volcano.