Nasa 5 barangay sa San Miguel, Catanduanes ang naka-isolate matapos maputol ang isang daan dahil sa umapaw na spill way bunsod ng bagyong Maring.
Ayon kay San Miguel MDRRMO Head Mary Ann Teves, naputol ang bahagi ng Obo Spillway bunsod ng malakas na pag-ulan na nagdulot ng baha sa lugar.
Nabatid na hindi sementado ang naturang area at tinatambakan lamang ito ng mga lupa para madaanan ng mga sasakyan.
Kabilang sa mga barangay na naka-isolate ay ang Barangay Obo, Patagan Sta. Elena, Patagan Salvacion, Dayawa at Siay na gumagamit ngayon ng mga bangka para lamang makatawid sa ibang lugar.
Sa ngayon ay hinihintay parin ang tuluyang paghupa ng baha at inaasahan din ng mga residente na mapapalitan ng matibay na tulay ang naturang spillway upang maiwasan ang anomang insidente. —sa panulat ni Angelica Doctolero