Naglabas na ng kautusan si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na kasuhan na ang ilang mga dating kawani ng gobyerno at dating mambabatas dahil sa pagkakadawit sa pork barrel scam.
Kinatigan ng Ombudsman ang unang desisyon na may probable cause para kasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation, at Direct Bribery sina dating Bureau of Customs Chief Ruffy Biazon, dating Energy Regulatory Commission Chief Zenaida Ducut, at mga dating Congressmen na sina Rodolfo Valencia, Marco Douglas Cagas, Arrel Olaño, at Arthur Pingoy, Jr.
Kasama rin sa kaso ang ilang opisyal ng Department of Budget and Management, Philippine Regulation Commission, National Agri-Business Corporation, at iba pa.
Dahil ito sa pakikipagsabwatan umano sa grupo ni Janet Lim Napoles na tinaguriang pork barrel scam queen.
Isasampa na ang naturang charge sheet sa Sandiganbayan.
Nag-ugat ang mga kaso sa magkahiwalay na reklamong isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) at ni Atty. Levito Baligod.
By Avee Devierte | Jill Resontoc (Patrol 7)