Nareskyu ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang mangingisda matapos lumubog ang bangkang kanilang sinasakyan sa karagatang bahagi ng Labor Island sa Surigao City.
Base sa report ng PCG, isang boat operator at apat na kasamahang mangingisda ang nailigtas matapos hampasin ng malakas na alon ang bangkang kanilang sinasakyan.
Ayon sa PCG, sinuspindi na ang biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa gale warning signals pero hindi umano nakinig ang mga mangingisda.
Dahil dito, nagbabala ang naturang ahensya sa publiko partikular na sa mga mangingisda na sumunod sa abiso ng PAGASA at iwasan munang pumalaot lalo na kung masama ang panahon upang maiwasan ang insidente. —sa panulat ni Angelica Doctolero