(Updated)
Patay ang 5 miyembro ng bandidong Abu Sayyaf matapos makasagupa ng Marines kaninang alas-8:10 ng umaga sa Barangay Liang Patikul, Sulu.
Ayon kay Joint Task Group Sulu Commander Brig. General Allan Arrojado, nagsasagawa ng combat at security patrol ang mga sundalong Marines nang makasagupa nito ang bandidong grupo.
Aniya, isa lang ang narekober nilang bangkay na miyembro ng Abu Sayyaf na nasawi sa bakbakan dahil ang 4 na labi ay nagawang mabitbit ng mga terorista palayo sa lugar ng engkwentro.
Sinabi ni Arrojado na humigit-kumulang sa 40 miyembro ng Abu Sayyaf ang kanilang naka-engkwentro kanina.
Wala namang naiulat na nasawi sa panig ng militar habang nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations sa mga bandido.
Narekober din ng mga sundalo ang 4 na matataas na kalibre ng armas at bala.
(Details from Jonathan Andal)