Kritikal ang limang miyembro ng Philippine Marines kasunod ng pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) sa Datu Hoffer, Maguindanao dakong alas 8:00 kagabi.
Ayon kay Maguindanao Provincial Police Office Chief P/Col. Arnold Santiago, sakay ng military truck ang mga miyembro ng Philippine Marine Corps nang biglang pasabugan ito ng IED.
Nagmula ang mga nasabing sundalo sa ikinasa nilang operasyon laban sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Liberation Front (BIFF).
Ayon kay Santiago, pinaniniwalaang gawa sa 81 milimeter mortar round ang nasabing pampasabog na itinanim ilang metro lang ang layo sa maguindanao provincial hospital at provincial headquarters ng PNP sa Camp Akilan sa Shariff Aguak.
Kasalukuyang bantay sarado ang buong paligid ng Maguindanao provincial hospital kung saan dinala ang mga sugatang miyembro ng marines.