Inaalam na ng Pasay PNP kung anong klaseng mga likido ang nainom ng 5 kataong nasawi sa ‘Close-up Forever Summer’ open air concert sa Mall of Asia Arena.
Ayon kay Supt. Jenny Pecson, Spokesperson ng Pasay PNP hinihintay pa nila ang resulta ng toxicology sa mga biktima.
Base sa imbestigasyon, dalawa sa mga biktima ay nasawi sa heart attack samantalang posibleng dehydration at heatstroke ang di umano’y sanhi ng kamatayan ng iba pa.
Naging misteryoso ang kaso dahil hindi magkakasama o magkakakilala ang mga biktima at natagpuan ang mga ito sa magkakaibang panig ng MOA.
Ayon kay Pecson, naipagbigay-alam na nila sa US Embassy ang pagkamatay ni Eric Anthony Miller na isang American national samantalang naiuwi na ang iba pang mga biktima sa kani-kanilang mga pamilya.
Kabilang pa sa mga biktima ay dalawang 18 anyos na sina Kim Migawa at Bianca Fontejon, Ariel Leal at Lance Garcia.
By Len Aguirre | Ratsada Balita