Malaking dagok sa illegal drug trade ang pagkakaaresto ng mga awtoridad sa 5 drug personality at pagkakasabat ng 58 milyong pisong halaga ng shabu sa ikinasang buy – bust operations sa Imus, Cavite.
Ito’y ayon kay Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar nang ibunyag nito na konektado ang 5 naaresto kay Talitay, Maguindanao Mayor Montasir Sabal na napatay matapos mang-agaw ng baril habang siya’t ibinibiyahe patungong Kampo Crame.
Magugunitang naaresto sa pinagsanib na operasyon ng Manila Police District o MPD Drug Enforcement Unit, PDEA at Cavite Police ang mga suspek na sina Tamano Daud, Ismael Daud, Norma Maguid, Bainor Maguid at Omar Rediya sa Brgy. Bayang Luma III sa nabanggit na lugar.
Nasabat sa mga suspek ang malaking bulto ng shabu na nagkakahalaga ng 58 milyong piso, isang Glock17 9mm na pistola, isang Kossnor London Chrome Caliber .45 pistol, samu’t saring mga bala at ilang drug paraphernalia.
Maliban sa pagkakabilang sa National Drug Watchlist, si Sabal din ang nagsusuplay ng mga armas sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na siyang ginagamit sa paghahasik nila ng karahasan sa Mindanao.