Binigyang-pugay ang limang rescuer sa Bulacan na nasawi makaraang anurin ng baha sa bayan ng San Miguel sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding.
Kinilala ang biktimang sina George Agustin, 45-anyos; Marvy Bartolome, 36; Narciso Calayag Jr., 33; Troy Justin Agustin, 30- anyos at Jerson Resurecion.
Nasa gitna ng rescue operation ang lima nang tangayin ang kanilang bangka ng malakas na agos matapos bumagsak ang isang pader sa kalapit na gasolinahan.
Narekober ang labi ng mga rescuer dakong ala-6 kahapon ng umaga sa isang palayan.
Aminado si Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office head Liz Mungcal na napakasakit para sa kanya ang pagkawala ng lima dahil pamilya na ang turing niya sa mga ito.
Sa kabila nito, ipinagmamalaki anya nila ang kabayanihan ng mga nasawing rescuer dahil hanggang sa huli ay nagbuwis ng buhay ang mga ito para makapagbigay-serbisyo sa mga mamamayan.
Tiniyak naman ni Governor Daniel Fernando ang paggawad ng mataas na parangal at tulong sa pamilya ng mga rescuer.