Inihatid na sa kani-kanilang huling hantungan ang dalawa sa limang rescuer na nasawi sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding sa Bulacan.
Umalingawngaw ang sirena ng mga bumbero at emergency vehicles nang ihimlay si Jerson Resurreccion sa Catmon Cemetery sa bayan ng Sta. Maria, kahapon.
Ang 33-anyos na si Jerson ang Team Leader ng mga rescuer nang maganap ang trahedya sa kasagsagan ng kanilang misyon sa Bayan ng San Miguel.
Inilibing na rin ang rescuer na si Marby Bartolome sa Musuleyo ng kanilang pamilya sa Malolos City.
Noon namang Sabado ay inihimlay na rin ang tatlo pang rescuer na sina George Agustin, Troy Agustin at Narciso Calayag Jr., sa kani-kanilang hometown.
Pawang binigyang-pugay ng Bulacan Provincial Government at National Disaster Risk Reduction Management Council ang limang biktima.