Matagumpay na napigilan ng Militar ang panggugulo ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Bilar, lalawigan ng Bohol kaninang umaga.
Ayon kay Maj. Ramon Pancito, Public Affairs Office Chief ng Army’s 3rd Infantry Division, nangyari ang engkuwentro ala 5:30 ng umaga habang nagsasagawa naman ng security Brgy. Cabacnitan.
Hindi bababa sa 11 rebelde ang naka-engkuwentro ng Militar kung saan, 5 sa mga ito ang napatay habang 1 Sundalo naman ang nasugatan.
Nakuha rin sa pinangyarihan ng engkuwentro ang iba’t ibang kalibre ng armas, granada, kagamitan gayundin ang ilang subersibong dokumento mula sa mga kalaban.
Dagdag pa ni Pancito, kabilang sa mga nasawi sa bakbakan ang Vice Commander ng NPA Bohol Party Committee subalit hindi muna nila ito pinangalanan habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Kasalukuyan namang nagpapagaling sa pinakamalapit na pagamutan ang nasugatang sundalo habang nagpapatuloy naman ang pursuit operations laban sa iba pang nalalabing rebelde.