Patay ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) kabilang na ang kanilang spy at revolutionary tax collector sa katimugang Luzon sa nangyaring shootout sa Brgy. San Juan, Baras, Rizal.
Kinilala ang mga nasawi sa mga alyas na Sandra na asawa ni alyas Luis na secretary naman ng Guerilla Front Cesar at taga-kolekta ng revolutionary tax gayundin ang isang alyas Onli na intelligence officer naman ng grupo.
Ayon kay 2nd Infantry Division Spokesman Capt. Jayrald Ternio, isisilbi lamang sana ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang warrant of arrest laban sa isang Antonio Cule alyas Dad na nahaharap sa kasong murder nang bigla silang paputukan ng mga rebelde.
Nakatakas naman ang target ng operasyon na si alyas Dad na ngayon ay mahigpit na tinututukan ng mga pulis at sundalo sa kanilang hot pursuit operations.