Lima pang manufacturer ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine ang hindi pa nakakakuha ng emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas.
Sa kanyang report kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na kabilang sa vaccine manufacturers na ito ang Bharat Biotech ng India, Johnson and Johnson at Sinopharm.
Ayon kay Domingo, ika-22 ng Enero nang mag-apply ng EUA ang Bharat Biotech subalit kulang pa ito ng patunay ng good manufacturing practice at posibleng matapos nila sa linggong ito ang pagbusisi sa EUA application ng Janssen ng Johnson and Johnson na isinumite nitong nakalipas na ika-31 ng Marso.
Wala pa naman aniyang naisusumiteng requirements ang Sinopharm para sa EUA application ng bakuna nito kontra COVID-19, bagamat nagpaabot na ito ng intensyong makakuha ng EUA.
Ipinabatid pa ni Domingo na wala pang application para sa COVID-19 vaccine ang Moderna at Novovax samantalang nakapagbigay na ang FDA ng EUA sa Pfizer, AstraZeneca at Sinovac.