Patay sa engkwentro ang limang indibidwal sa pagitan ng mga pulis at suspek sa labas ng isang sabungan sa Calatagan, Batangas.
Kabilang sa mga nasawi ang isang pulis, tatlong suspek at isang sibilyan habang sugatan naman ang isa pang sibilyan.
Ayon sa mga tauhan ng Philippine National, kinilala ang nasawing pulis na si Patrolman Gregorio Panganiban, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib.
Base sa imbestigasyon, sabado nang makatanggap ng tawag ang Calatagan-PNP tungkol sa iligal na aktibidad ng mga suspek.
Nang rumesponde ang mga pulis sa lugar, agad na nagpaputok ng baril ang mga suspek dahilan ng pagkamatay ni Panganiban.
Gumanti naman ng putok ng baril ang mga pulis at napatay ang mga suspek na nakilalang sina Joel Herjas, Rolly Herjas, at Gabriel Bahia.
Patay naman matapos tamaan ng ligaw na bala ang isa sa dalawang sibilyan na kinilalang si Mayumi Dunaway, 19-anyos habang sugatan ang isa pang sibilyan na kinilala namang si Joselito Carlum, 45-anyos.
Ayon sa mga otoridad, target umano ng mga suspek si Lian Town Councilor Michael, na administrador din ng sabungan.
Sa ngayon, nagpahayag na ng pakikiramay ang PNP sa nasawing sibilyan. —sa panulat ni Angelica Doctolero