Patay ang magkakapatid habang sugatan naman ang tatlo pang indibidwal sa naganap na sunog sa Kaliraya St., Bayanihan Alley, Brgy. Tatalon, Quezon City.
Kinilala ang mga biktima na sina Sofia, 9-anyos, May-May, 7-anyos at Chukoy, 4-anyos habang nagtamo naman ng matitinding paso sa katawan sina Bayani Alimagno, asawang si Marie Santos, 31-anyos at ang isa pa nilang anak na si Akisha, 12-anyos na ngayon ay nagpapagaling na sa East Avenue Medical Center.
Base sa imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang mga biktima nang sumiklab ang apoy sa ikatlong palapag na bahay ng mga biktima at mabilis na kumalat dakong alas-4:15 kahapon ng madaling araw.
Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, patay din matapos matusta sa sunog ang mag-ama sa kanilang bahay sa Barangay Bagumbayan, Taguig City.
Kinilala ang mag-ama na sina Eduard Carimat, 30-anyos at anak nitong si Maria Eloisa Jazz Fuentes, 7-anyos kung saan, tumagal ng mahigit isang oras ang sunog bago idineklarang fire out ng mga bumbero.
Tinatayang nasa P300,000 ang halaga ng ari- ariang natupok ng apoy.
Nakapagtala din ng sunog sa commercial area malapit sa Quinta Market sa Quiapo Maynila kahapon na umabot sa ika-apat na alarma matapos madamay ang warehouse ng mga cellphone, electronic bike supplies at fabric.
Bukod pa diyan, isa pang sunog ang sumiklab sa isang bodega ng mga kalakal sa Barangay Salinas 1, Bacoor, Cavite na umabot naman sa unang alarma.
Wala namang naitalang nasawi o nasugatan pero patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng pagkalat ng apoy maging ang danyos sa naganap na sunog.