Sasampahan ng kasong Extortion at Usurpation of Authority ang mga pekeng traffic enforcer na naaresto ng MTPB o Manila Traffic and Parking Bureau kaninang umaga.
Ayon kay Dennis Alcoreza ng MTPB, kinilala ang mga suspek na sina Benjamin Baliuag, Edard Canares, Demetrio Cruz, at isa pa na hindi natukoy ang pangalan na nagpapanggap na enforcer sa kahabaan ng Taft Avenue.
Batay sa imbestigasyon, hiningan umano ng mga suspek ng P1,000.00 ang isang truck driver sa may UN Avenue at tinakot na kakasuhan ito kapag hindi nagbigay ng pera.
Maliban dito, naaresto din si Archel Carbungo habang nangongotong sa mga truck drivers sa Road 10 sa Tondo, Maynila.
Nabatid na ang ilan sa mga naaresto ay mga dating traffic enforcers kaya may mga uniporme.
Pinaalalahanan naman ni Alcoreza ang publiko na ang mga lehitimong MTPB traffic enforcers ay naka-duty lamang mula 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng gabi.