Inilatag ng limang presidential aspirants ang kanilang mga plataporma sakaling manalo sa Halalan 2022.
Kabilang sa mga kumasa sa ‘’Panata sa Bayan: The KBP Presidential Candidates Forum’’ sina presidential aspirants Leody De Guzman, Ping Lacson, Isko Moreno, Manny Pacquiao, at Leni Robredo.
Nangako si Manila Mayor Isko Moreno na patataasin niya ang budget para sa housing program, bibigyan ng scholarship ang 10,000 medical students kada taon, risk-free capital para sa mga magsasaka at gawing accessible ang public data.
Nais naman ni Senador Ping Lacson ang walang korapsyon, malinis at tapat na gobyerno. Aniya, isusulong niya ang paid internship program, at wakasan ang importation mindset na pumapatay sa local agriculture sector.
Ayon naman kay Senador Manny Pacquiao, isusulong niya ang isang estudyante, isang gadget at isang teacher, isang gadget program, at libreng edukasyon hanggang sa makatapos ang isang estudyante.
Nahati naman sa limang aspeto ang plataporma ni Vice President Leni Robredo kung saan kabilang dito ang angat buhay sa hanapbuhay, angat buhay sa pagkain, angat buhay sa seguridad, angat buhay sa edukasyon at angat buhay sa pabahay.
Sinabi naman ni Labor Leader Ka Leody De Guzman na nais niyang ihinto ang mapang-abusong pagbabayad ng utang, patatagin ang karapatang pantao at kilalanin ang karapatan ng mga katutubo, at labanan ang climate change.
Hindi nakadalo sa nasabing forum si presidential aspirant at former senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa conflict sa schedule.