Nakatakas ang limang preso mula sa Rosario, Cavite umaga ng Miyerkules.
Ayon sa tagapagsalita ng Calabarzon Police na si Superintendent Chitadel Gaoiran, nagpanggap na patay ang isa sa mga bilanggo kaya’t napilitan ang kanilang jail guard na buksan ang pinto ng selda.
Dagdag pa ni Gaoiran, pinagtulung-tulungan ng mga preso ang naturang jail guard dahilan kaya nakatakas ang mga ito.
Kinilala naman ang mga pugante na sina Frederick Legaszpi, Ryan James Villanueva, Lindon Bartolo, Josefino Abad at Dannymar Carino.
Base sa record ng pulis, pawang nahaharap sa kasong iligal na droga ang mga presong nakatakas.
Gayunman, bumuo na ng tracker team ang Cavite police para tugisin ang mga pugante.