Limang (5) pulis na naipit sa bakbakan sa Marawi City ang nailigtas na.
Ang mga nasabing pulis na natagpuan sa Barangay Banggolo ay kabilang sa mga hinahanap ng otoridad ng ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sinasabing naubusan na ng bala ang mga nasagip na police officer kaya’t na-trap ang mga ito sa Banggolo na malapit sa baluwarte ng Maute Group.
Tuloy-tuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng mga nasabing pulis sa PNP o Philippine National Police bagamat hindi kaagad na-rescue dahil sa puwersa ng teroristang grupo.
Ipinabatid ng militar na isandaan at tatlumput walong (128) miyembro ng Maute Group ang nasawi na sa patuloy na bakbakan samantalang dalawamput isa (21) namang sibilyan na ang napatay na ng teroristang grupo.
Mga sundalong nasugatan planong ilipat sa mas maayos na ospital
Pina-plano ng gobyerno na ilipat sa mas maayos na ospital ang mga sundalong nasugatan sa bakbakan sa Marawi City.
Ito ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ay para matiyak na kaagad magagamot ang mga sugatang sundalo.
Kulang aniya ang mga gamit sa mga government hospital at hindi naman makakapagbayad sa mga private hospitals ang mga kaanak ng mga sundalong nasugatan sa bakbakan sa Marawi City.
Ilan sa mga sugatang sundalo ay isinugod sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City.
1 katao nakatakdang damputin dahil sa cyber sedition
Nakatakdang damputin ang isang (1) tao dahil sa cyber sedition kaugnay sa patuloy na bakbakan sa Marawi City.
Kinumpirma ito ni DICT Secretary Rodolfo Salalima bagamat hindi pinangalanan ang nasabing suspek.
Sinabi ni Salalima na ang naturang suspek ay gumamit ng social media sa pagpapakalat ng mga propaganda at nanghikayat para sumama sa sinimulang rebelyon ng Maute Group.
Ayon kay Salalima, mahigpit nilang tinututukan ang mga social media postings kaugnay sa Marawi Crisis.
Una nang hiniling ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang pagtanggal sa 60 social media accounts na ginagamit sa pagpapakalat ng propaganda ng mga terorista.
By Judith Larino | With Report from Aileen Taliping