Kinumpirma ng Davao City Police ang paglaya ng 5 pulis na dinukot ng New People’s Army (NPA) sa Davao City noong April 16.
Ang mga pinakawalang pulis ay sina Chief Insp. Leonardo Tarongay, Police Officers 3 Rosenie Cabuenas, Rudolph Paceta, Abdul Aziz Ali at PO2 Neil Arellano.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni City Police Spokesperson Chief Inspector Milgrace Driz na mismong si Mayor Rodrigo Duterte ang sumundo sa 5 pulis mula sa kampo ng NPA.
Ayon kay Driz, safe namang dumating ang mga pulis at isinasailalim pa sa stress debriefing at medical check-up ang mga ito.
Kinondena naman ng Police Regional Office – Region 11 ang ginawa ng mga rebelde.
Bahagi ng pahayag ni Chief Inspector Milgrace Driz ng PNP Region 11
Malacañang
Ikinagalak naman ng Malacañang ang paglaya ng 5 pulis na binihag ng New People’s Army sa Davao City, kahapon.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, magandang balita ito para sa PNP at sa pamilya ng limang pulis.
Matapos ang siyam na araw ay makakapiling na ng limang pulis ang kanilang pamilya at makakahinga na anya ng maluwag ang mga ito.
Pinakawalan ang limang bihag na pulis sa bulubunduking bahagi ng Paquibato District, pasado alas-4:00 ng hapon.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita