Limang residente sa lungsod ng maynila ang tinamaan ng Delta variant ng COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno, natanggap nila ang resulta mula sa Philippine Genome Center (PGC) kung saan nakasaad dito na nagpositibo sa Delta variant
Sinabi pa ng alkalde nasa maayos naman na kalagayan ang mga indibidwal na positibo ng Delta variant kung saan sila ay mga residente sa Sampaloc, Parola, Taft Avenue, Ermita at Gagalangin, Tondo.
Samantala, nagsagawa ng contact tracing sa mga kamag-anak at nakasalamuha ng mga tinamaan ng naturang variant.
Ilan sa kanila ay negatibo pero may ilan din ang nagpositibo sa pangkaraniwang COVID-19 pero sa ngayon ay magaling na ang mga ito.
Sinabi pa ni Mayor Isko na kahit ano pang variant ng COVID-19 ang tumama sa isang indibidwal, may posibilidad na malagay sa alanganin ang buhay nito kaya’t muli niyang pinaalalahanan ang lahat sa pagsunod sa ipinapatupad na health protocols at kahalagahan ng bakuna.