Sinampahan na ng Department of Education (DepEd) ng kasong administratibo ang lima sa pitong guro na sangkot umano sa sexual harassment sa Cavite.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, naisumite na noong Biyernes ang fact-finding report laban sa pitong guro sa Bacoor National High School sa Cavite.
Aniya, nakitaan ng matibay na ebidensiya sa limang guro sa naturang akusasyon laban sa kanila habang kulang naman ang ebidensya laban sa dalawang mga guro ng nabanggit na eskwelahan.
Binigyang diin pa ng DepEd, pinatawan ng preventive suspension ang lima at pinagpapaliwanag ng School Division Office (SDO).
Una nang sinabi ni Atty. Poa na posibleng maalis sa trabaho o depende sa kalalabasan ng imbestigasyon ang mga guro na sangkot umano sa sexual harassment.
Magugunitang, nag-ugat ang isyu matapos mag-viral ang post sa twitter kaugnay sa malalaswang karanasan ng mga estudyante sa ilang mga guro ng paaralan.