Sinampahan ng kaso ng mga otoridad sa Russia ang Twitter, Google, Facebook, Tiktok at Telegram dahil umano sa hindi nito pagbura sa mga post na nanghihimok sa mga kabataan na magprotesta ayon sa korte ng Moscow.
Batay sa ulat ng Reuters, may tatlong kasong nakahain sa Twitter, Google at Facebook na may kaakibat na multang aabot sa apat na milyong roubles o nasa higit dalawang milyong piso habang nakabinbin rin ang kaso laban sa Tiktok at Telegram.
Samantala, tumangging magbigay ng pahayag ang Google kaugnay dito habang ‘di naman kaagad sumagot upang magbigay ng komento ang apat pang social media platforms sa ulat ng Interfax news agency.
Inaasahang diringgin ang kaso laban sa Google, Facebook at Twitter sa Abril 2.
Matatandaang, nabuksan ang kaso laban sa limang nasabing social media websites nang magkaroon ng malawakang protesta sa Russia nitong nagdaang buwan nang makulong prominenteng kritiko ni President Vladimir Putin na si Alexei Navalny.—sa panulat ni Agustina Nolasco