Tiklo sa ikinasang operasyon ng mga otoridad ang limang South Korean na miyembro umano ng sindikato na gumagamit ng text scam para makapanloko ng kanilang mga kababayan.
Base sa ulat, aabot na sa mahigit P1-B ang nakuha ng mga suspek mula sa kanilang mga biktima.
Hindi na nakapalag pa ang limang South Korean National nang arestuhin sa isang Subdivision sa Parañaque City ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit, Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group at South Korean Police.
Sa impormasyon ng BI-FSU, sa Pilipinas ginagawa ng Korean criminal syndicate ang kanilang operasyon at nagpapadala ng text scam na may kasamang link sa kanilang mga kapwa Koreano.
Kapag pinindot umano ang link, maari na itong makapag install ng malware na syang dahilan upang mamonitor ng mga scammer ang mga activity ng cellphone ng mga biktima.
Masusi namang pinag-aaralan ng mga otoridad ang kasong ito upang malaman kung may mga nabiktima nang Pilipino ang mga suspek.