Limang sundalo ang sugatan matapos muling makasagupa ng bandidong Abu Sayyaf na una nang naka-engkuwentro sa Brgy. Pansul, bayan ng Patikul sa lalawigan ng Sulu.
Ayon kay Joint Task Force Central Commander M/Gen. William Gonzales, nagsasagawa lamang blocking operations ang mga tropa ng 3rd Scout Ranger Battalion ‘di kalayuan sa unang pinangyarihan ng engkuwentro.
Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan kung saan, may nasugatan din sa panig ng mga kalaban batay sa bakas ng dugo subalit hindi pa matukoy kung ilan.
Nakatakas muli ang mga bandido bitbit ang mga sugatan nilang kasamahan habang nakuha ruon ang mga bala ng 5.56 mm carbine at magazine nito gayundin ang mga personal na gamit ng mga kalaban.
Kasalukuyan nang nagpapagaling sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa sulu ang mga sugatang sundalo na nasa ligtas nang kundisyon.