Hawak na ng mga awtoridad ang limang (5) miyembro ng Abu Sayyaf na itinuturong nasa likod ng pagpapasabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo Sulu noong nakaraang linggo matapos sumuko sa mga awtoridad.
Kinilala ang mga ito na sina Albaji Kisae Gadjali alyas Awang, Rajan Baki alyas Radjan, Kaisar Bakil Gadjali alyas Isal, Salit Alih alyas Papong at isang alyas Kamah na sinasabing pangunahing suspek sa pambobomba.
Si Kamah ay tumatayo umano bilang logistics ng Ajang-Ajang sub group ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde, nakatakdang sampahan ng kasong multiple murder sa Sulu Provincial Prosecutors Office ang limang suspek ngayong araw.
Sinabi pa ni Albayalde, aabot pa sa labing apat (14) na mga bandido ang patuloy pa ring tinutugis ng militar at pulisya.
(Ulat ni Jaymark Dagala)